Nag-aalala ang mag-asawang Respicio sa
nangyayari sa kanilang anak. Parang nawalan ito ng buhay nang hindi na bumalik
si Cyrus sa bahay nila. Isa lang ang ipinapahiwatig kasi ng hindi pagbabalik ni
Cyrus. Pinili niya si Christian at ipinaglaban niya ang pagmamahal niya dito.
Hindi tumigil si Albert sa pag-iyak. Kinailangan pang painumin ng daddy niya ng
pampatulog ng gabing iyon para tumigil sa pag-iyak. Nandoon lang siya sa batis,
tulala at patuloy na umaagos ng luha kasabay ng walang tigil na pagbuhos ng
tubig sa talon. Ang dati'y masiglang mata niya ay unti-unting binubuhay ang
kalungkutan, unti-unting lumulubo tanda ng isang pighating si Cyrus lang ang
makakagamot. Binalak na nilang tawagan si Cyrus para magmakaawa dito, para piliin
muli si Albert pero naisip nilang nagdusa din ang bata ng mahabang panahon.
Naging anak-anakan na nila si Cyrus kaya naman ayaw din nilang maging hadlang
sila sa ikaliligaya nito. Naiipit sila sa dalawa nilang anak. Nakikita nila
kung gaano nagdurusa si Albert ngunit pinili lang naman ni Cyrus ang kanyang
kaligayahan. Napakabait niyang bata para ipagkait ang nagpapaligaya sa kanya.
Masakit sa kanila ang mga pangyayari ngunit kailangan matutunan ni Albert na
kung minsan ang tunay na kahulugan ng pag-ibig ay pagpaparaya. Hindi nila alam
kung paano aluin ang kanilang anak dahil hindi ito umiimik kapag kinakausap
nila. Maaga palang pumupunta na sa batis. Maghapon ito doon, tulala at hindi
naman ginagalaw ang pagkaing ipinapahatid nila sa trabaho. Dalawang araw na ang
nakalipas pero wala paring Cyrus na dumadalaw. Patuloy na umaasa si Albert na
babalik ito sa kanya. Walang magawa ang mga Respicio kung hindi ang panoorin
ang kanilang anak at siguraduhing wala itong gagawing masama sa kanyang sarili.
SA BAHAY NI CYRUS...
Pagkauwi namin ni Christian galing sa bundok,
naging malinaw na ang lahat sa amin. Napakahirap tanggapin na sa isang iglap,
lahat ng plano namin nang umagang iyon ay nagbago. Pero nakikita kong pinipilit
ni Christian maging normal sa huling gabi niya sa bahay. Ayaw niyang may
mahalatang kakaibang nangyari si mama. Naging malapit din kasi si Christian kay
mama dahil napakabait ng pakikitungo nito sa matanda. Walang trabahong hindi
maayos kapag si Christian ang naiwan sa bahay. Nasanay kaming kasama siya sa
halos dalawang buwan na sa bahay. Alam kong magkakaroon ng malaking adjustment
sa amin ni mama. Hiniling niyang magtabi kami nang gabing iyon ngunit
napagkasunduang wala ng magaganap na interaksyong sekswal sa pagitan namin.
Hinayaan ko siyang yakapin ako! Hinayaan ko siyang damhin niya ang mainit kong
katawan. Pareho kaming nakikiramdam sa nararamdaman ng isa't-isa. Hindi ako
makatulog ng gabing iyon. Ayokong matulog ngunit ipinikit ko parin ang aking
mga mata para magmukhang tulog na ako. Kailangan kasing maaga ako magising para
matanaw ko man lang ang pag-alis ni Christian. Gusto kong maramdaman na sa
huling pagkakataon, katabi ko ang isa sa mga pinakadakila at pinakamabait na
lalaking nakilala ko. Biglang gumalaw si Christian at alam kong humarap siya
sakin.
"Hindi ko alam kung paano kita
makakalimutan! Hindi ko alam kung paano ako magsisimula!" bulong niya na
dinig ang paghikbi sa kanyang boses.
"Gusto kong maging maligaya ka kahit sakit
ang dulot nito sakin. Mahal na mahal kita," muling bulong niya kasabay ng
paggawad ng isang masuyong halik at pagyakap sakin. Hindi ko namalayang tumulo
ang mga luha ko pero nagpanggap parin akong tulog. Patuloy akong nakiramdam
hanggang sa nakatulog siya. Hinaplos ko ang mukha niya pati ang buhok niya.
Binigyan ko ng masuyong halik sa labi.
"Salamat Chris," bulong ko habang
patuloy na dumaloy ang aking luha. Niyakap ko rin siya at natulog na.
Kinabukasan, maaga akong nagising. Nakita kong
nakahanda na si Christian sa pag-alis. Kumain muna kami at nagpaalam na siya
kay mama.
"Tita, maraming salamat sa magandang
pagtrato niyo sakin. Magpapaalam na po sana ako," unang wika ni Chris.
"Bakit biglaan naman iho? May ginawa bang
hindi maganda si Cyrus sa'yo. Magsabi nga kayo ng totoo," bahagyang galit
ang boses ni mama dahil sa pagkagulat.
"Naku tita, wala po! Napakabait ni Cyrus.
Wala pong nangyari! Kailangan ko na rin pong bumalik para maayos ang papers ko
pabalik ng Canada," tugon niya.
"Akala ko ba, you're goin' to stay here for
good, iho?" tanong ni mama.
"Medyo nagbago po ang plano ko tita!"
sagot niya.
"Mamimiss kita iho. Naku, sanay na kaming
nandito ka. Bakit naman biglaan kasi? Basta, wag kang makakalimot iho ha!"
sagot ni mama na bahagyang naiiyak na. Yumakap ito kay Christian.
"Ingat ka Chris! Basta, isipin mo, nandito
parin ako bilang kaibigan mo." turan kong mangiyakngiyak na nagpaalam kay
Christian.
"Salamat Cy! Hindi kita makakalimutan!
Kailangan ko ng umalis!" sabi niya na yumakap sakin ng mahigpit. Hindi ko
napigilang umiyak. Pinahid niya iyon.
"You deserve to be happy! Wag ka ng umiyak.
Isipin mo ang sarili mo ngayon,ok. Puntahan mo na siya. Alam kong, hinihintay
ka na niya?" huling wika niya bago sumakay sa kanyang sasakyan at tuluyang
umalis. Hatid tanaw ko siya hanggang nawala ang sasakyan niya sa aking paningin.
Masakit parin sakin ang nangyari ngayong araw. Kailangan ba talagang ganun?
Kung may darating, kailangang may umalis. Masakit na pakawalan ang taong tulad
ni Christian. Naging malapit din siya sakin pero alam kong kailangan niya ring
lumayo para maghilom ang sakit na idinulot ko sa kanya. Sabi nga nila, time
heals all wounds. Umaasa ako na magawang paghilumin ng panahon ang sugat ng
pag-ibig na naranasan ni Christian. At sana pag dumating iyon, handa muli
siyang tanggapin ako bilang bahagi ng kanyang buhay kahit bilang kaibigan lang.
SA BATIS...
Tulala parin si Albert sa mga nangyari sa
nakaraang dalawang araw. Nais niya lang mapag-isa para maalala lahat niya ang
mga magagandang kaganapan sa kanyang buhay kasama si Cyrus limang taon na ang
nakararaan. Naisip niya, may mga regalo pa pala sa kastilyo na ibinigay ni
Cyrus sa kanya tanda ng pagmamahal nito, tanda ng kanyang pangako na
maghihintay siya sa kanya. Malungkot siyang tumayo at tumungo sa Villa. Nang
makarating siya doon, naalala niya ang kinuha niyang singsing doon. Muli siyang
napahagulgol sa iyak.
"Bakit ko ba kasi ibinalik iyon kay Cyrus?
Dapat suot-suot ko parin iyon. Ang simbolo ng aming pag-iibigan," naisip
niya.
"Maaaring si Christian na ang may hawak
suot nun ngayon. Si Christian na naging dakila rin ang pagmamahal kay Cyrus. Si
Christian na pumuno ng kanyang mga pagkukulang nang siya ay tinawag ni
kamatayan. Si Christian na bagong pag-ibig ni Cy!" naisip niya habang
walang tigil ang pagdaloy ng kanyang mga luha.
"Tama ang tagabantay, pag bumalik ako,
makararanas ako ng mga pasakit at pighati! Pinili kong bumalik para sa kanya
pero eto ako ngayon, nag-iisa, nagdurusa! Bakit napakasakit umibig?" ang
tanong niya sa kanyang sarili.
"Sana, di nalang ako bumalik kung ganito
rin lang ang mangyayari,kung ganito rin lang ang mararanasan ko. Sana tinanggap
ko nalang ang kapalaran kong mamatay! Sana! Sana!" paulit-ulit na
naglalaro sa kanyang isipan habang nakatitig sa mga regalo na nakaayos sa
Villa. Kinuha niya ang isa.
"Raketa!" napangiti siyang kinuha
iyon.
"Alam kong gusto mo na tayo ang gagamit
nito, na tayo ang maglalaro gamit ito. Pero kung noon, hindi mo ito magamit
dahil mag-isa ka lang, ganun din ako ngayon! Wala ka na, na makakasama kong
maglaro. Wala ka na Cy! Iniwan mo na ako mahal ko! Wala ka na!" tuluyang
humagulgol habang hawak-hawak ang dalawang raketa sa kanyang kamay. Binuksan
niya ang bawat regalo at walang isa sa mga iyon ang hindi niya nagustuhan.
Lahat ng iyon ay espesyal dahil bigay iyon ng kanyang minamahal na si Cyrus.
Isa sa mga laman ng regalo niya ay ang greeting card para sa birthday niya.
Dali-dali niyang binasa ang greeting card na iyon.
Mahal ko,
It's been 3 years since you died and it still
kills me. Masakit parin pero sinubukan kong buksan muli ang puso ko. Binuksan
ko ang puso ko hindi para kalimutan ka.Binuksan ko ito dahil gusto ko ulit
makaramdam ng pagmamahal, gusto kong buhayin ang namamatay ko ng puso dahil sa
pangungulila sa'yo. Enzo ang pangalan niya. Mabait siya. Kasingbait mo. Marami
na akong kasalanan sa'yo. Marami na akong ginawang hindi mo magugustuhan. Pero
nagawa ko ang mga ito dahil sa pangungulila ko. Mali man ang mga nagagawa ko
ngayon, bumabawi ako sa ibang bagay para man lang maibsan ang mga
nakakakonsensyang gawain ko. Alam kong naiintindihan mo ako mahal ko. Alam kong
pag nakikita mo ang ginagawa ko ngayon, kahit papaano you'll be proud of me. I
will never forget you mahal ko. I will never stop loving you. I will love you
until my dying days. I miss you so much. I miss kissing you. I miss hugging
you. I miss making love with you. Nangungulila ako sa mga haplos mo, sa mga
halik mo. Sana dumating ang panahon na makatabi kita muli sa pagtulog ko at ang
mukha mo ang masisilayan ko sa paggising ko! Sana patawarin mo ako kung
binuksan kong muli ang puso ko! Sana mapatawad mo ako. Mahal parin kita. Mahal
na mahal. Happy birthday day!
Nagmamahal,
Cyrus
Muling napaiyak si Albert sa kanyang nabasa.
Alam niyang isang pagpapaalam ang liham na iyon. Naiintindihan niya ang
pinupunto ni Cyrus sa sulat niya. Tao lang siya na may mga pangangailangan at
hindi niya kayang ibigay yun sa kanya nang mga panahong iyon. Pero muli itong
nangako sa sulat niya. I will love you until my dying days! Pero bakit ngayon
mahal ko, wala ka na. Bakit pinili mo si Christian. Napakahirap tanggapin na
hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako! Sumumpa kaming mamahalin namin ang
isa't-isa, pero ngayon, wala na siya! Wala na siya!, naisip ni Albert. Kinuha
ni Albert ang ilan sa mga regalo sa kanya ni Cyrus. Bumalik siya sa batis at
patuloy na umiyak habang nakatitig sa kawalan. Lumingon siya! Nakita niya ang
markang puso sa isang puno. Nagdulot iyon ng kirot sa kanyang puso! Wala na.
Nabuwag na ang sumpaan at pangako nila sa isa't-isa. Wala ng Cyrus. Tinangay na
siya ng bago niyang pag-ibig. Tanging alaala nalang ang naiwan sa kanya.
Tanging alaala ng kahapon na nagdudulot sa kanya ng ibayong hinagpis, alaalang
unti-unting pumapatay sa kanya, alaalang dati'y bumubuhay sa kanya ngunit
ngayon, ito ang nagtutulak sa kanya papuntang hukay. Muli siyang bumalik sa
gilid ng batas. Naupo siya sa bato ang nakatitig sa batis, animo'y nakikita ang
mga magagandang alaala nila ni Cyrus, animo'y isang magandang pelikula na
masarap ulit-ulitin, ngunit nagdudulot ng ibayong kirot, ng sakit na tanging si
Cyrus lang ang makakapaghilom.
Nakapagdesisyon na ako matapos ang hindi ko
pagpunta ng dalawang araw sa bahay ng mga Respicio. Nagbago ang una kong plano
na pumunta agad sa Villa pagkaalis ni Christian sa aming bahay. Kailangan ko
rin kasing magpahinga sa mga sunud-sunod na matitinding emosyong nagpahirap sa
akin ng husto. Kailangan maging maayos ako pag humarap kay Albert. May udyok ng
pagkasabik ang nararamdaman ko habang iniisip ang muli naming pagkikita ni
Albert. Umalis ako sa bahay kasama si mama. Naikwento ko na sa kanya ang buong
pangyayari. Hindi man siya makapaniwala, nagawa rin niyang tanggapin iyon dahil
ayon sa kanya, maraming misteryong nangyayari dito sa mundo na kahit sino sa
atin ay nahihirapang ipaliwanag. At isa raw ang nangyari kay Albert sa mga
misteryong kahit ang isang relihiyosong tao ay mahihirapang ipaliwanag.
Inihanda ko ang aming dadalhin. Personal kong inayos ang mga ito at inilagay sa
harap ko habang nagmamaneho at ang iba ay nakalagay sa compartment ng sasakyan.
Narating namin ang Villa ng mga alas nuebe na ng umaga. Sinalubong kami ni mom
and dad ng tuwang-tuwa, yung tipong nabuhayan ng loob!
"Cyrus anak, buti at bumalik ka iho!"
maluha-luhang yakap sa akin ni mom at dad.
"Antagal ka niyang hinihintay bumalik,
anak! Awang-awa na kami sa kanya. Wala siyang ginawa kundi umiyak!Hindi namin
mapakain! Hindi rin makatulog! Kailangan pa naming painumin ng sleeping pills
para makatulog," umiiyak na wika ni mom.
"Anak, we're so glad you're back! Kawawa si
Albert anak!" wika ni rin dad na mangiyak-ngiyak.
Nakita ko sa mga mukha nila ang hapding dulot ng
pagdurusa ni Albert.
"Kahapon, balak ka naming puntahan, pero
alam naming pinili mo na si Christian. Anak ka rin namin kaya gusto rin naming
lumigaya ka. Naiipit nga kami sa sitwasyon dahil hindi namin alam kung sino sa
inyo ang iintindihin namin. Pareho namin kayong mahal ni Albert anak. Ayaw
namin ipagkait sayo, kung si Christian ang nagpapaligaya sa'yo. Kaya salamat at
pumunta ka para man lang makausap mo siya. Hirap na hirap siya anak!" mahabang
paliwanag ni mom habang umiiyak. Napaiyak ako sa mga pahayag nila. Itinuring
talaga nila ako bilang anak nila.
"Pinalamig ko muna ang sitwasyon mom, dad!
Kailangan maging maayos ako pag humarap sa kanya. Kailangan siya lang ang nasa
utak ko, sa puso ko pag nagkausap kami. Ayaw kong magkaroon ng ibang
alalahanin, mom,dad!" sagot ko na lumuluhang nakatingin sa kanila.
"Naiintindihan namin iho!" sagot nila
na hinaplos haplos ang aking likod.
"Nasaan siya, mom, dad?" tanong ko.
"Naku iho, alas 5 palang ng umaga, nandun
na siya sa batis. Dun namin pinapahatiran ng pagkain niya, pero hindi naman
niya ginagalaw! Pag pumupunta kami doon,itinataboy kami. Gusto daw niyang
mapag-isa. Uuwi na lang siya pag dumilim na. Nag-aalala na kami sa
kanya,anak." sagot ni mom.
"Sige po mom, dad. Puntahan ko lang siya.
Tingnan ko kung anong magagawa ko," tugon ko
"Ma, dito ka muna. Makipagbonding ka muna
kina mommy at daddy," dagdag ko.
"Sige anak, galingan mo ha! Sana mapapayag
mo siya," wika ni mama na nakangitit. Lumapit siya sa mga Respicio at
nagkumustahan. Bumalik ako sa sasakyan para kunin ang mga inihanda ko.
Maya-maya lang, narinig ko na ang tawanan ng tatlong matatanda. Pahiwatig na
alam na ni mom at dad ang plano kong gawin sa umagang iyon. Isang bagong umaga
para samin ni Albert.
Malayo palang ako sa batis. Ibinaba ko ang aking
mga dala. Tanaw kong nakaupo si Albert sa isang malaking bato na parang wala sa
sarili. Sinamantala ko ang pagkakataon. Dali-dali akong naghubad, tanging boxer
shorts lang ang natira. Isinabit ko ang aking damit at dali-daling pumunta sa
malaking puno na kung saan nakamarka ang aming pangalan ni Albert sa isang puso
at ikinubli ang aking mga dalahin doon. Parang wala parin sa sarili si Albert
na nakatingin lang sa kawalan. Dahan-dahan akong umalis sa aking pwesto!
Patuloy akong nagkubli habang binabagtas ang daan papuntang taas ng talon.
Nakarating ako doon na hindi napapansin ni Albert. Tumayo ako sa gitnang bahagi
ng talon. Nakatingin parin si Albert sa batis. Parang walang napansin na tao si
Albert. Naaninag ko ang matinding kalungkutan sa kanyang mga namumugtong mata.
Sa loob ng dalawang araw, halatang hindi ito nakatulog ng husto at mukhang
nanghihina narin ang itsura sa hindi pagkain ng dalawang araw. Nakakaawa ang
itsura niya. Natutunaw ang puso ko sa nakikitang nangyayari sa kanya.
"Please, tumingin ka dito! Please mahal ko!
Tumingin ka dito!" hiling ko. Animo'y isang bulong iyon sa kanya dahil
unti-unting umangat ang kanyang mukha papunta sa akin. Nakita kong nagulat siya
nang makita ako. Kinusot niya ang kanyang mata wari'y namamalikmata lang at
muling tumingin sa bahagi ng aking kinatatayuan. Napatayo siya sa kanyang
kinatatayuan at tinitigan ako. Nakita kong dumaloy ang luha niya. Hindi ko na
pinatagal pa ito. Alam kong may isang magandang ala-ala na rumehistro sa kanya
habang lumuluha. Tumalon ako sa talon sabay sigaw ng...
"Mahal koooooooo!" Alam kong
umalingawngaw ang boses ko sa aming paraiso. Nakita kong lumangoy si Albert sa
bahagi na kung saan bumagsak ang katawan ko. Dali-dali akong lumangoy palayo,
nagkubli ako sa maliit na kweba para hindi ako makita ni Albert, dali-dali
akong tumalima at sumuot sa maliit na butas at umikot pabalik sa malaking puno
na kung saan ko inilagay ang aking mga dalahin. Nakita kong naging abala sa
pagsisid si Albert sa paghahanap sakin. Sabay alingawngaw ng boses niya sa
lugar na iyon na siyang dahilan ng paglipad ng maraming ibon.
"Mahal kooooo! Mahal koooo! Nasan
kaaaaa!" garalgal ang boses niyang sumisigaw kasabay ng pagsisid niya sa
kalaliman ng batis. Naging abala ako habang siya ay naghahanap. Nang maayos ko
na ang lahat at nang makita kong bahagya siyang umahon sa tubig na para bang
may takot sa kanyang mga mukha, may bahid ng pagaalala ang kanyang sumunod na
reaksyon!
"Mahal koooooo!" sigaw ko sa kanya.
Bahagya siyang lumingon-lingon. Hinahanap ang pinanggalingan ng boses.
Tinulungan ko siyang matunton ang boses ko.
"Mahal kooooooo!" muli kong sigaw
kasabay ng isang alingawngaw ng pag-ibig. Nilingon niya ako. Ikinaway ko ang
aking isang kamay at ngumiti ng maluwag sa kanya.
"Mahal kooo! Mahal koo! Ikaw ba yan?! Ikaw
ba yan, mahal ko?" umiiyak niyang sigaw kasabay ng paglangoy niya ng
matulin para makarating sa mabatong bahagi ng batis. Patuloy ko siyang nakitang
umiiyak habang kumaripas ng takbo papunta sa aking kinatatayuan. Bigla niyang
hinaplos-haplos ang aking mukha na para bang hindi makapaniwala na nasa harapan
niya ako, na para bang isa lang iyong panaginip habang patuloy na na umagos ang
masagana niyang luha sa kanyang pisngi. Niyakap niya ako ng mahigpit. Hindi ko
narin napigilan ang aking sarili na napaluha sa nakita kong sigla sa mukha ni
Albert.
"Bumalik ka! Salamat, bumalik ka! Parang
awa mo na, wag mo na akong iiwan!" nagsusumamong pakiusap niya sakin na
kumawala sa pagkakayap sakin.
"Please Cy, gagawin ko ang lahat! Lahat!
Para mapasaya ka! Please mahal ko!" humahagulgol niyang pakiusap na
niyakap ako muli.
"Sino ba kasi nagsabi sa'yo Mr. Respicio na
umalis ako, nagpahinga lang ako saglit, nagdadrama ka na diyan!" lumayo
ako bahagya sa kanya.
"At ano itong naririnig ko na di ka daw
kumakain Mr. Respicio? Gusto mo bang mamatay at iwan ako ulit? Sumagot ka Mr.
Respicio!" sigaw ko na may bahid pagbabanta sa aking boses. Bigla naman
siyang natameme sa nagiging pagtrato ko sa kanya wari bang nagtatanong kung ano
ang binabalak ko sa himig ng aking boses. Nagpahid siya ng luha at humarap sa
akin. Akmang kukunin ang kamay ko pero muli akong lumayo.
"Mahal ko, masakit kasing isipin na si
Christian ang pinili mo! Kahit sino, mawawalan ng ganang mabuhay,"
paliwanag niya.
"Sapat na ba iyon para di ka kumain at
pabayaan mo ang sarili mo?" sigaw ko.
"Mahirap kasi yun mahal ko! Bakit ka ba
bumalik, e may Christian ka na? Diba siya pinili mo?" tanong nito na
umaasang sasabihin ko sa kanya na bumalik ako dahil sa kanya, dahil mahal ko pa
siya. Pero pinasabik ko pa siya at hindi sinagot ang kanyang katanungan.
"Gusto mong malaman ang sagot ko Mr.
Respicio?" tanong niya.
"Yes, sir!" sagot nito na may sigla na
sa boses.
"Then, you eat first. I prepared foods for
you Mr. Respicio," sagot ko sa kanya na seryoso parin ang mukha.
"Sandali! Style ko to eh! Ginaya mo lang to
sir! Gaya-gaya ka sir!" sagot niya na bahagyang nang-aasar ang boses.
"May reklamo ka Mr. Respicio? Sabihin mo
lang kung ayaw mo at aalis na ako!" seryosong pahayag ko.
"Naku sir! Hindi ako nagrereklamo! Eto na
nga ow, mauupo na ako, at kakain na!" sagot niya.
"Luto mo ba mga to, sir?" tanong niya.
"Oo Mr. Respicio! Bakit? Hindi ba
masarap?" tanong ko.
"Naku, ang sarap nga sir eh. Lalo na itong
kaldereta mo! The best!" sabay turo niya sa isang bowl ng ulam na
nakahain.
"Kainis ka Mr. Respicio! Adobo yan! Hindi
yan kaldereta!" sigaw ko sa kanya. Pero hindi niya pinansin iyon. Dahil
napansin niya ang paborito niyang chocolate cake.
"Wow, sarap nito Sir Cy!" bigla siyang
nagslice noon.
"Ooopps! Wait lang. Dahan dahan sa
pagslice. Diyan ka sa gilid magslice at dahan-dahan din sa pagkain ha!"
singit kong pahayag.
"Bakit?" tanong niya.
"Sumunod ka nalang!" sagot ko.
"Bakit nga sir?" muling pagtataka
niyang tanong.
"So that it melts in your mouth. Mas
masasarapan ka kung dahan-dahan" sagot ko sabay kindat.
"Ganun ba sir? Sa pagkakaalam ko kasi, mas
masarap pag mabilis." pilyong ngiti niya. Gusto kong ngumiti ng narinig ko
yun pero pinigilan ko. Pero alam kong napansin niya ang pagkislap ng mga mata
ko.
"Magrereklamo ka ba Mr. Respicio o gagawin
mo ang sinasabi ko?" tanong ko. Sumunod naman siya agad. Nakita kong dahan
dahan niya kinain ang cake.
"Ano ba yan! Antigas naman ng choco filling
nito!" sabi niya ng may maramdamang matigas na bagay. Sabik akong iluwa
niya iyon. Dahil natigasan, iniluwa niya iyon.
"Ano ba tong matigas sir?" tanong niya
sabay luwa sa matigas na bagay. Tiningnan niya ako ng matagal. Napaluha siya sa
kanyang nakita.
"Ang singsing ko!" bulong niya. Hindi
ko na napigilan ang sarili kong lumuha! Luha ng kaligayahan. Kinuha iyon ni
Albert at muling isinuot sa kanyang daliri. Binuhat ko ang cake at ipinakita
ang nasa baba noon.
"MARRY ME, ALBERT RESPICIO!" Hindi
iyon isang pakiusap kundi isang utos. Lalo siyang napahagulgol! Kitang-kita ko
sa mukha niya ang umaapaw na kaligayahan. Niyakap ako ng mahigpit at ginawaran
ng masuyong halik sa labi.
"I will, mahal ko! I will!" sagot niya
bilang tugon sa pahayag na nabasa. Humiwalay ako at inginuso ang taas. Pero
hindi niya agad iyon nakuha dahil hinalikan ako sa labi.
"Hindi!" tugon ko sabay nguso sa
tarpaulin na nakasabit sa puno.
"I LOVE YOU ALBERT RESPICIO!" ang
nakasulat sa tarp at background niyon ang mukha ko.
"I love you more mahal ko!" sagot niya.
"Gaya-gaya ka ng style mahal ko!"
bulong niya.
"Kinilig ka naman diba,mahal ko?"
balik bulong ko.
"Sobra! Thank you mahal! I love you so
much!" pahayag niya kasabay ng isang masuyong halik at muli, ang paraiso
naming iyon ang naging saksi ng aming pagbabalikan, ng aming pag-iibigan - sa
isang bagong umaga na kami'y magkasama at
pinanghahawakan ang isang pangako at ang
sumisimbolo sa aming pag-ibig -ANG SINGSING...
Isang malaking handaan ang naganap sa araw ng
pagkamatay ni Albert. Hindi na ito araw ng kamatayan kundi araw ng muli niyang
pagkabuhay, isang araw na kung saan lahat ng miyembro ng pamilya niya ay
naroon, ang mga Respicio at ang mga Miranda, upang saksihan ang renewal of vows
namin ni Albert. Kasunod noon ang paglipad namin ni Albert sa Las Vegas para
maging opisyal na kaming mag-asawa. Nagpatayo na ako ng sarili kong eskwelahan
samantalang si Albert parin ang naging CEO ng Miranda-Respicio Group of
Industries matapos ang matagumpay na merging ng kompanya ng dalawang pamilya.
Plano namin ngayon na idaan si Albert sa artificial insemination para magkaroon
kami ng anak. Isa pang nakakagulat ng rebelasyon. Isang masayang Christian ang
nakita ko pagkatapos ng dalawang taon at sa tingin ko, ang kasama niyang lalaki
ang dahilan kung bakit masaya ang aura ng mukha niya. Sana... Sana nahanap
narin niya ang tunay na kaligayahan sa lalaking iyon. Sana...
Author's Note:
Maraming salamat po sa pagsuporta sa aking
pinakaunang nobela. Naway patuloy niyong suportahan ang mga susunod ko pang
isusulat. Abangan po ang epilogue ng book 1 at prologue ng book 2. Alam ko pong
maiibigan niyo ito.
WAKAS...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento