Hindi naging madali ang mga sumunod na araw para
sa akin. Alam kong malaking bahagi ng aking puso ay pag-aari parin ni Albert.
Pero si Enzo na muling nagdala ng mga ngiti sakin, si Enzo na gumawa ng mga
paraan para pasayahin ako, si Enzo na nagbigay muli ng kulay sa madilim kong
mundo ay nagkaroon ng puwang sa puso ko. May mga pagkakataong gusto niya akong
lapitan sa eskwelahan pero ako na ang umiiwas. Mahirap gawin iyon sa taong
kahit papaano ay itinuring kong kaibigan, katropa, sandigan, at minamahal.
Siguro nga kinarma ako dahil hindi ko pinanindigan ang pangako ko kay Albert.
May mga pagkakataong nangungulit si Enzo sa text
o kaya naman patuloy itong tumatawag, pero hindi ko iyon sinasagot. Gusto kong
iparamdam sa kanya na hindi niya kailangang bumalik sakin, na firm ako sa
sinabi ko sa kanya. Kailangan kong gawin iyon dahil baka bumigay ako kung
kakausapin ko siyang muli. Natuto akong uminom ng mga panahong iyon. Pakiramdam
ko kasi kailangan ko ng karamay at ang alak lang ang makapagbibigay sakin nun.
Kinailangan kong uminom pag gumagabi na para makatulog agad dahil kung hindi
insomia ang aabutin ko. Naging napakahirap ng aking pinagdaanan. Mahirap kasing
ipamigay ang taong mahal mo at mahal ka rin sa iba. Mahirap magparaya. Ngunit
alam kong yun ang pinakatamang gawin.
Minsa'y pauwi na ako sa bahay. Kinailangan kong
magdahan-dahan sa pagdadrive dahil nakisabay ako sa paglabas ng mga estudyante.
Maraming estudyante ang bumabati sakin. Ililiko ko na ang aking sasakyan nang
makita kong may nagkakagulong mga estudyante. Mukhang may isang estudyante na
pinagtripan at binubugbog ng isang grupo ng apat na kalalakihan. Nagmadali
akong itinigil ang aking sasakyan, bumaba dito at lumapit.
"Anong nangyayari dito?" sigaw ko.
Natigilan ang apat na lalaki.
"Sir, si dave binubugbog nila." sabat
ng isang lalaki.
Tiningnan ko si Dave na nakahandusay sa lupa.
Nakakaawa ang itsura nito. Ang dating maamo nitong mukha ay may mga pasa at
dumudugo pa ang bibig nito. Halatang hirap na hirap na ito sa sinapit na
pambubugbog ng apat na kalalakihan. Nilapitan ko siya agad at inutusang hawakan
ang apat na kalalakihan.
"Hindi na kayo naawa sa tao! Ano bang
ginawa niyang kasalanan gentlemen?" galit kong tanong. Kilala ko kasi si
Dave bilang mabait, masipag at matalinong estudyante. In fact, isa siya sa mga
25 recipients ng Silver Free Tuition Award.
"Paano sir. Umutang yan samin! Tapos sinabi
niyang magbabayad! Isang buwan na kami naghihintay, hindi pa nagbabayad
sir!" galit ding sagot ng isang lalaki.
"Sapat na ba yun para bugbugin niyo siya at
pahirapan ng ganito ha?" sagot ko na lumakas lalo ang boses ko at galit na
ang itsura ko. Mukha namang epektibo ang ginawa ko kasi nakita kong natakot ang
leader ng apat na lalaki.
"Hindi na kayo naawa sa tao! Kaya siguro
hindi pa nagbabayad kasi wala pa siyang pera! Magkano ba utang niya?"
tanong ko na nanatiling mataas ang boses.
"1,500 sir!" sagot niya.
"Oh, sa 1500 na yan, pag nagreklamo to,
baka hindi lang yan ang bayaran niyo. Makakarating ito sa Prefect of Discipline
gentlemen!" galit kong pahayag.
Ipinakuha ko ang mga pangalan ng apat na lalaki
at isinilid ko iyon sa aking wallet.
"See you at the office of the Prefect of
Discipline tomorrow gentlemen! At wag na wag kayong magaabsent." banta ko
sa kanila.
"Ow, alalayan niyo yan at dalhin sa aking
sasakyan. Dadalhin ko siya pinakamalapit na clinic," wika ko. Nakatingin
lang ang mga estudyante kay Dave na halatang nakikisimpatya sa sinapit nito.
Yung iba naman nanghiyang dahil bahagyang nasira ang angking kakisigan nito
dahil sa puno ng pasa ang mukha.
"Ano ba yan? Katawan nalang sana ang
binugbog nila! Sayang naman ang guapo ni Dave, nasira na!" wika ng isang
bakla sa kasama niya.
"Gaga, babalik din yan pag gumaling ang
sugat niya! Natural ang kaguapuhan niya kaya siguradong babalik yan,"
sagot naman ng kasama niya.
"Sabagay, tama ka diyan sister! Buti nalang
dumating si sir Cyrus. Sana ako nalang nabugbog para iniligtas din ako ni sir
pogi!" malanding tugon nito.
"Baklita ka! Malandi ka talaga! Hindi ka na
nahiya. Marinig ka ni sir!" sagot ng kasama.
"Bakit ba? Matagal ko siyang crush noh! Ano
lang kung marinig niya? Mas ok nga yun eh!" malandi nitong tugon.
Napangiti ako ng marinig ko iyon kung kaya naman
binigyan ko siya ng isang matamis na ngiti at pinapungay ko ang aking mga mata
na siyang ikinakilig ng bakla. Kinurot-kurot pa niya ang kanyang kasama na
tanda ng pagkakilig niya. I stop flirting with the gay dahil naisip ko si Dave
na naghihintay sa sasakyan. Naisakay na nila ito nang mga panahong iyon.
Dali-dali akong sumakay at dumiretso kami sa clinic sa bayan. Nilapatan si Dave
ng paunang lunas at binigyan ng pain reliever para hindi maramdaman ang sakit.
Muli kaming sumakay at inihatid siya sa kanilang bahay. Habang pauwi
kami,tinanong ko si Dave.
"Bakit ka kasi nagkautang sa kanila
Dave?" tanong ko. Naging malapit din naman ito sakin dahil sa nakaraang
pageant ng school.
"Pinandagdag ko kasi sa tuition fee ko sir.
Hindi kasi ako makakatest kung hindi nabayaran yung tuition ko," hirap na
tugon nito. Oo nga pala, pangsecond sem pa pala yung free tuition fee na
programa ko.
"Sana, nagpromissory note ka na muna,"
mungkahi ko.
"Di na pwede sir. Nakapromissory note na
kasi ako nang prelims," sagot nito. Narating namin ang bahay nina Dave.
Nagulat ako sa aking nakita dahil isa lang iyong barung-barong na natatakpan ng
mga lumang yero. Oo nga't makikita mo na bahagyang sunog ang maputing balat ni
Dave, mamula-mula ang mukha nito dahil sa halatang palagi itong nabibilad sa
araw, wala sa itsura nito ang pagiging bakas ng isang mahirap. Nasa kanya ang
brusko features ni Zanjoe Marudo simahan pa nito ng kanyang red and kissable
lips na lalo pang binagayan ng magaganda nitong ngipin. Hindi mo iisipin na ang
batang ito ay nakatira sa ganitong klase ng bahay at namumuhay ng napakasimple.
Napawi ang malalim kong pagiisip ng inanyayahan ako ni Dave papasok sa kanilang
barung-barong. Nasilip ko ang loob nito. Malinis ang loob nito. Makikita mong
maayos at halatang masisipag ang nakatira dito dahil sa mga halamang
nakapalibot sa bahay na siyang nagbigay ng kulay sa kanilang barung-barong.
Makikita mo na ang tulugan, ang maliit na sala at ang kusina ay nasa loob
niyon. Halatang magsisiksikan ang mga ito sa loob.
"Sir, pasensya ka na sa bahay namin ha.
Hindi ito kasing lawak ng Villa mo." paumanhin nito.
"Naku, ok lang. Sanay ako sa hirap."
tugon ko.
Nasa ganun kaming eksena nang dumating ang nanay
niya kasama ng kanyang kapatid na lalaki at babae. Nagpanic ang nanay nito nang
may nakita itong sasakyan at nang nakita ang itsura ng kanyang anak.
"Anak, anong nangyari sayo? Bakit ganyan
ang mukha mo?" maluha-luha nitong tanong sa anak. Tatlo pala silang
magkakapatid at may angking ganda at kaguapuhan din ang sumunod sa kanya.
"Napalaban lang sa school nay," tugon
niya.
"Ano ba kasing ginawa mo anak? Palagi naman
kitang pinapaalalahanan na wag na wag makikipagaway diba?" sagot nito.
Tumingin sakin si Dave at naintindihan ko naman na ayaw niyang ipaalam sa nanay
niya na nangutang siya para sa tuition fee niya. Kaya nagsalita ako.
"Mawalang galang na po, wala po talaga
siyang kasalanan. Hindi po siya ang nagumpisa ng gulo. Pinagtripan po siya ng
ibang estudyante. Wag po kayong magalala, ipapatawag ko yung mga nambugbog sa
kanya bukas para parusahan," sabat ko. Nagtaka ang ina ni Dave. Halatang
nagtatanong ang mga tingin nito sakin.
"Ay nay, si sir Cyrus po pala. Siya yung
tumulong sakin kanina sa mga nambugbog sakin," sabat ni Dave.
"Ay siya rin ba yung nagsponsor sa libreng
tuition sa susunod na semester anak?" tugon nito.
"Siya nga po nay!" sagot niya.
"Ay, kaguapo pala ng maestro mo anak.
Salamat sir ha. Malaking tulong yung ginawa mo." pasalamat nito.
"Wala po yun! Karangalan po na makatulong
sa mga matatalinong bata," sagot ko.
"Philip, bumili ka ng mirienda sa
tindahan!" utos nito sa kapatid ni Dave. Guapo din iyon. Tumingin siya
sakin na halatang nahihiya. Nginitian ko din siya.
"Naku, wag na po. Di narin ako
magtatagal." sagot ko.
"Sir, pagbigyan mo na kami. Pasasalamat
lang sa ginawa mong pagtulong sakin." sagot ni Dave. Wala naman akong
nagawa kundi pagbigyan sila.
"Dito ka narin maghapunan sir. Jade anak,
magpakulo ka ng tubig at magkatay tayo ng native na manok." utos ng nanay
ni Dave. Dali-dali namang tumalima ito.
"Nasan pala ang tatay mo Dave?" tanong
ko.
Natigilan ang mga ito. Pati ang inay niya sa
loob ng bahay ay natigilan din. Nagkatinginan sila. Nahalata kong tumiim ang
bagang ni Dave. Lumabas ang kanyang nanay at nagkwento.
"15 taon noon si Dave ng umalis ang asawa
ko samin dahil sa kanyang babae. Napakairesponsable niyang asawa. Bukod sa
pambabae, umuuwi siya dito na palaging lasing. Walang araw na hindi ako
nakatikim ng bugbog sa kanya." pahayag nito na halatang tinitimpi ang
iyak.
"Isang gabing umuwi siya, masarap na ang
tulog naming magiina noon nang bigla niya kaming pinagpapalo magiina gamit ang
isang kahoy." tuluyan na itong humagulgol.
"Nagising kaming apat sa pagkabigla at sa
sakit na dulot ng pamalo! Kaya kong tanggapin ang mga bugbog niya sakin pero
ang idamay niya ang aking mga anak sa ginagawa niyang pananakit, hindi ko
matatanggap iyon sir. Lumaban ako ng gabing iyo para sa aking mga anak.
Nakipagbunuan ako ng lakas para hindi masaktan ang mga ito. Binantaan ko siya
gamit ang kutsilyo pero naagaw niya iyon at nasaksak niya ako." patuloy
nito.
"Nang makita niyang duguan ako. Natakot
siya kaya nagmadali siyang umalis. Dinala ako sa ospital hanggang sa tuluyan
akong gumaling. Huling balita namin sa kanya, sumama siya sa kanyang
babae." kwento nito na nagumpisa ng nahimasmasan sa pait ng nakaraan.
"Magulo ang pamilya namin no sir?"
tanong ni Dave. Ngumiti ako. Naalala ko ang sitwasyon namin ni mama. Swerte pa
pala kami kasi hindi namin pinagdaanan ang naranasan ng pamilyang ito. Mas
malala pa pala sa mga hindi. Buti di naranasan ni mama na mabugbog araw-araw.
Swerte parin ako. Nakikita ko ang mama ko sa nanay ni Dave na ginagawa lahat
para maitaguyod ang pag-aaral ng kanyang mga anak. Nakikita ko ang aking sarili
kay Dave na nagsusumikap magaral para magtagumpay sa buhay. Karapat-dapat
tulungan ang mga mag-iinang ito,naisip ko.
"Hindi ka nagiisa Dave. Ganyan din ako!
Naiintindihan ko. Ang pinagkaiba nga lang, iniwan kami ng tatay ko, baby palang
ako. Pero, tingnan mo ako ngayon. Nagawa kong magtagumpay kahit wala siya. Kayo
din, kaya niyo kahit wala ang tatay niyo." sagot ko.
Nagulat ang mag-ina sa sinabi ko. Pero nakita ko
ang liwanag sa kanilang mga mata, animo'y lalong nagkaroon ng pagasa. Nakakita
sila ng kakampi sa aking katauhan. Nakakita sila ng isang taong sumalamin sa buhay
nila. Nakita nila ang isang taong sa kabila ng masalimuot na pangyayari sa
buhay, may magandang umagang naghihintay para sa kanila. May pagasang
magtagumpay at makaahon sa hirap. Nagmirienda kami kasabay ng tawanan at
kwentuhan. Kumain din ako sa kanila na sarap na sarap sa native na manok na
niluto ng nanay ni Dave. Nang gabing iyon nabuo ang isang desisyon na alam kong
makatutulong sa pamilya ni Dave.
"Hmmm, Dave, naisip ko kasi na matanda na
rin si mama. Kaya kailangan din namin ng makakasama sa bahay. Aalukan sana kita
na titira dun sa bahay. Dalawa lang naman kami ni mama doon. Bibigyan kita ng
sahod buwan-buwan para makatulong ka sa nanay mo. Ako narin magbabayad ng
tuition fee mo hanggang makatapos ka ng pag-aaral." pahayag ko.
Tahimik na nakinig ang mag-iina. Nagtinginan ang
mga ito.
"Nakakahiya po ata yun sir. Hindi ko po ata
matatanggap yan." sagot niya.
"Malaking tulong sa'yo ito Dave. Hindi mo
na iisipin ang iyong gagastusin sa pamasahe, pagkain, allowance mo, dahil sagot
ko na iyon. Maaari kitang isabay araw-araw sa pagpasok. Mas malapit pa ang
bahay sa eskwelahan. Magaan naman ang trabaho sa bahay Dave,"
pangungumbinsi ko.
Naghihintay ang kanyang nanay at mga kapatid sa
sasabihin niya.
"Wala namang problema sa trabaho sir Cy.
Masyado na po kasing abuso kung tatanggapin ko ang alok mo. Sobra-sobra po yung
alok niyo." sagot niya.
"Dave, ako na ang nag-aalok sayo kaya pano
mo masasabing pangaabuso yun. Tsaka, pagtatrabahuhan mo naman yun sa
bahay." sagot ko.
"Pag-isipan mo Dave. Pag nakapagdesisyon ka
na, lumipat ka na sa bahay at dalhin mo na ang gamit mo," dagdag ko.
Nagpaaalam ako ng gabing iyon na nakangiti sa
mag-iina. Wari'y ang ngiting iyon ay tanda ng pagbibigay ng pagasa sa kanila.
Author's Note:
Bawat isa sa atin ay may
responsibilidad na tumulong sa mga taong nangangailangan. Hindi ito kailangang
idikta sa atin dahil naniniwala ako na natural sa ating puso bilang tao ang
pagtulong sa kapwa. Minsan, kailangan nating gawin ito upang mabigyan ng pagasa
ang iba at mapabuti ang buhay nila. Tunghayan pa po ang buhay ni Dave sa
susunod na pahina.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento